Mala-buwan na Maharlika Highway
tonite.abante.com.ph
Monday, February 9, 2026
Mistulang nakapunta sa buwan si Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon matapos bumulaga sa kanya ang nakakadismayang kalagayan ng Maharlika Highway mula sa Bicol hanggang sa Samar. Ang Maharlika Highway o Pan-Philippine Highway ay may habang 3,517 kilometro mula sa Ilocos Norte pa...
Mistulang nakapunta sa buwan si Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon matapos bumulaga sa kanya ang nakakadismayang kalagayan ng Maharlika Highway mula sa Bicol hanggang sa Samar.
Ang Maharlika Highway o Pan-Philippine Highway ay may habang 3,517 kilometro mula sa Ilocos Norte patungong Samar, Leyte at Zamboanga City sa Mindanao. Pero ang pinakabugbog na bahagi ng highway ay sa Quezon hanggang Bicol Region sa Luzon pati na rin sa Samar at Leyte.
Sabi ni Dizon, maaaring sa 2027 pa matapos ang rehabilitasyon ng Maharlika Highway. Nakita rin niya kung bakit palaging nasisira ang semento at espaltadong highway. Marami kasi rito ay walang drainage.
“Pati ‘yung drainage, kasi ang number 1 kaaway ng kalsada ay tubig. Kung walang drainage, sira o barado, talagang masisira ang kalye,” paliwanag ni Dizon sa isang press conference sa Calbayog City, Samar.
Personal na inalam ng kalihim ang kalagayan ng highway mula Allen, Northern Samar hanggang sa San Juanico Bridge. Doon niya nasaksihan ang mga baku-bakung kalsada at sangkatutak na potholes, mas malala sa nasaksihan niya sa Quezon at Bicol Region.
Ininspeksiyon din niya ang Calbayog Coastal Bypass Road, kung saan nakatengga ang proyekto dahil sa height clearance requirement.
Agad niyang ipinag-utos ang mabilisang rehabilitasyon sa mga sirang bahagi ng highway. Pinasisiyasat din niya sa DPWH kung bakit hindi muna kinuha ang clearance sa bypass project sa Calbayog bago ito ipinagawa.
Matagal nang nagdudusa ang mga biyahero sa Samar at Leyte dahil sa masamang lagay ng kalsada. Yung dating dalawa at kalahating oras na biyahe mula Tacloban City hanggang Calbayog City, nadoble simula nang masira ang kalsada.
Nakakadismaya lalo na kung matutuklasan mo mula sa datos ng DPWH Transparency Portal na ang Region 8 ang may pinakamalaking budget para sa infrastructure mula 2016 hanggang 2025 sa halagang P43 bilyon.
Malaking bahagi ng pondong ito ay ginamit sa road at infrastructure projects sa kahabaan ng Maharlika Highway.
Kabilang din ang Samar sa binuhusan ng bilyon-bilyong pisong flood control project. Karamihan ng mga ilog dito, lalo na sa Calbayog City ay sinemento o ginawan ng dike kahit hindi naman kailangan.
Dati, makakakita ka pa ng mga banak na ibabaw ng ilog. Ngayon, nagmistulang kanal na lang ang ilog dahil namatay na ito sa pagpapagawa ng dike.
Sakaling matapos ang rehabilitasyon ng Maharlika Highway sa 2027, ang malaking tanong naman ay kung ilan taon lamang ang itatagal nito. Baka pagsapit ng 2029, sira-sira na ang highway na parang hitsura ng buwan.
The post Mala-buwan na Maharlika Highway first appeared on Tonite - Abante.
Read the full article
Continue reading on tonite.abante.com.ph



