NewsBFP1 hours ago

BFP inspector binuking sa tongpats modus

tonite.abante.com.ph

Monday, February 2, 2026

3 min read
Share:

Lumutang muli ang mga alegasyon ng korapsiyon laban sa Bureau of Fire Protection (BFP) matapos magsalita ang isang business owner sa Bilyonaryo News Channel (BNC) at ibinunyag ang umano’y “one-stop shop” scheme ng isang tauhan ng ahensiya kung saan sapilitan siyang bumili ng overpriced fire safet...

Lumutang muli ang mga alegasyon ng korapsiyon laban sa Bureau of Fire Protection (BFP) matapos magsalita ang isang business owner sa Bilyonaryo News Channel (BNC) at ibinunyag ang umano’y “one-stop shop” scheme ng isang tauhan ng ahensiya kung saan sapilitan siyang bumili ng overpriced fire safety equipment para ipasa sa inspeksiyon.

Sa eksklusibong panayam sa “Agenda” ng BNC, inilahad ng negosyanteng itinago na lang sa alyas “Mika” ang surprise inspection umano na isinagawa ng isang BFP personnel sa kanyang negosyo sa creative industry.

Sa pag-inspeksiyon ng BFP personnel, inirekomenda umano nito sa kanya na bumili ng ilang safety items, kabilang na ang smoke alarms, smoke detectors, at fire extinguishers.

Kuwento ni “Mika”, binigyan siya ng calling card kung saan nakasulat ang pangalan ng contact na bibilhan niya ng mga fire safety equipment.

Nagulat naman umano siya nang basahin ang contact sa calling card dahil pangalan ito ng mismong BFP personnel na nag-inspeksyon sa kanyang negosyo. Nakalagay aniya sa calling card ang tila isang “one-stop shop” kung saan mabibili lahat ng kailangan niyang gamit para mabigyan ng fire safety certificate.

Napilitan umano si “Mika” na bumili ng fire extinguisher na halagang P3,500 kahit ang market price nito ay nasa P1,000 lang.

Tinanong niya ang BFP personnel kung puwedeng bumili ng gamit sa ibang supplier subalit iginiit umano nito na bilhin na lang niya sa contact na nakasulat sa calling card.

Sabi ni “Mika” hindi naman isyu sa kanya ang gastos kung para ito sa kaligtasan ng kanyang negosyo ngunit hindi niya matanggap na mapupunta lang sa kurakot ang pinagpaguran niyang pera.

“Nakakalungkot kasi nakakawala ng tiwala sa gobyerno na halos lahat ng departamento nanghihingi ng suhol. So saan tayo lulugar? Sa bawat kilos natin, may suhol,” pahayag ni “Mika” sa panayam sa “Agenda”.

Matatandaang tinagurian ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang BFP bilang isa sa pinaka-corrupt umano na ahensiya ng gobyerno dahil sa mga katiwalian sa procurement deals sa loob ng ahensiya na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.

Samantala, sinabi ni BFP spokesperson F/Supt. Anthony Arroyo na handa ang ahensiya na tulungan si “Mika” at ang iba pang naging biktima ng katiwalian umano ng naturang BFP personnel.

Hinimok niya ang mga nabiktima na maghain ng reklamo.

“Kailangan po namin makapagkalap ng matitibay na ebidensya against the personnel po namin. `Wag siya mag-alala, with confidentiality `yan, at marami na kaming ongoing na iniimbestigahan diyan,” wika ni Arroyo.

The post BFP inspector binuking sa tongpats modus first appeared on Tonite - Abante.

Read the full article

Continue reading on tonite.abante.com.ph

Read Original

More from tonite.abante.com.ph