OpinionDMW1 hours ago

Mersenaryong Pinoy

tonite.abante.com.ph

Thursday, February 5, 2026

3 min read
Share:

Nagulat ang ilan nating ayudanatics na kurimaw nang malaman nila sa balita na mayroon palang mga Pinoy na “mersenaryo,” o binabayaran ng Russia ang tapang para sumugod sa Ukraine. Ang tanong, ilan kaya sila? Sa ngayon, batay sa lumabas na mga ulat, dalawa ang Pinoy na mersenaryo na nakipaglaban p...

Nagulat ang ilan nating ayudanatics na kurimaw nang malaman nila sa balita na mayroon palang mga Pinoy na “mersenaryo,” o binabayaran ng Russia ang tapang para sumugod sa Ukraine. Ang tanong, ilan kaya sila?

Sa ngayon, batay sa lumabas na mga ulat, dalawa ang Pinoy na mersenaryo na nakipaglaban para sa Russia, at kasama ng mga tropa nito na umatake sa Ukraine. Ang masaklap, ang isang Pinoy eh nasugatan daw sa bakbakan at iniwanan lang ng mga kasamahan hanggang sa matodas.

Samantalang nasakote naman ng tropa ng Ukraine sa bakbakan ang isa pa na si Raymond Santos Gumangan, na mula sa Pangasinan. Kung titingnan ang larawan niya noong nasa Pilipinas siya, aba’y malaki na ang kaniyang ipinayat. Epektib sa mga gustong mag-diet.

Taong 2024 pa raw na-recruit ng Russia itong si Gumangan at nasakote siya noong huling bahagi ng 2025. Lumabas ang video sa isang Facebook page tungkol sa pagkakaaresto niya noon pang nakaraang Disyembre. Pero kamakailan lang talaga pumutok. Ang tanong ng mga kurimaw natin, sulit naman kaya ang sahod o bayad sa pagiging mersenaryo ng Russia? Aba’y sa tindi ng bakbakan sa Ukraine, talaga namang masuwerte kung makakauwi ng buhay ang papasok sa teritoryo nila.

Ang iba nga raw ipinapadala ng Russia sa Ukraine, hindi alam kung bakit sila isinabak sa giyera. Gaya ni Gumangan, inakala raw niya na sa logistics lang siya ipupuwesto. Pero pagdating doon eh ilang araw lang siyang pinag-practice at isinabak na sa giyera.

May pagka-magulang talaga ang Russia dahil hindi puro mga kababayan nila ang ipinapadala nila sa frontline para harapang makipagbakbakan sa Ukraine. Marami raw kasing Ruso ang dehins gustong makipagpatayan sa Ukrainians. Kaya siguro naghahanap ng ibang paraan ang Russia para madagdagan ang tropa nilang nakikidigma.

Gaya ng pakikipag-tag team nila sa North Korea na nagpadala rin sa Russia ng ilang libo nilang sundalo para umatake sa Ukraine. Ilan kaya ang nakauwi ng buhay? Bukod doon, ang paggamit nga ng mga mersenaryo gaya ng Wagner group na dating pinamunuan ni Yevgeny Prigozhin.

Pero itong si Prigozhin, biglang natodas sa plane crash noong 2023, ilang linggo matapos niyang makaaway ang isang mataas na opisyal ng militar ng Russia, at magsalita rin ng hindi maganda tungkol sa pakay ng Russia sa Ukraine.

Ang nakakatawa lang nito, noong nakaraang taon, dumiga ang Russia na nagre-recruit daw ang US ng mga mersenaryong Pinoy para lumaban para sa Ukraine, at ngayon eh mababalitaan mo na sila pala ang mga may mersenaryong Pinoy.

Sa ngayon, walang alam ang military natin kung ilan ang Pinoy na na-recruit ng Russia. Pero hindi naman daw nakapagtataka kung may mga Pinoy na pumapayag na lumaban para sa isang bansa kapalit ng bayad.

Biro ng ilan nating kurimaw, hindi kaya dapat daw eh isama na rin ng Department of Migrant Workers sa iaalok na mga trabaho sa abroad ang pagiging mersenaryo? Maganda raw kung government to government din ang usapan para walang processing fee.

Pero sa totoo lang, nakakalungkot kung may mga Pinoy na pumapayag na maging mersenaryo at handa itaya ang buhay para kumita. Hindi naman siguro sila papasok sa naturang uri ng trabaho kung may magandang oportunidad sila dito sa Pilipinas para guminhawa ang buhay ng kanilang pamilya. Tandaan: “Bata n`yo ako at Ako ang Spy n`yo.”

The post Mersenaryong Pinoy first appeared on Tonite - Abante.

Read the full article

Continue reading on tonite.abante.com.ph

Read Original

More from tonite.abante.com.ph